Sunday, June 23, 2013

a semi-love letter

(source)
Unang-una, paumanhin. Sana maniwala kang di ko 'to sinasadya, pero ‘eto na naman kasi ako – sa pagsusulat lang magawang ilabas ang saloobin. Nakita ko lang kasi sa news feed nung nagpalit ka ng profile pic. Ayokong sabihin na hindi ako napangiti nung nakita ko ‘yon. Para bang lalong gumanda ang araw ko. Naging maaliwalas bigla ang paligid ko kahit kani-kanina ko lang pinupunasan ang pawis sa noo dahil sa alinsangan ng panahon. Huwag mo sanang pag-isipan ng iba o laban sa akin. Parang gumaan lang kasi konti ang pakiramdam ko. Yun bang parang may sariwang hangin na biglang sumipol patungo sa kinauupuan ko. Kahit ini-scroll ko na pababa ang feed sa Facebook at hume-head bang sa Coldplay, nakangiti pa rin akong mag-isa. Sa loob-loob ko, nagmukha akong may sayad. Buti na lang walang ibang tao.

Ilang taon na ba? Ayoko na sanang bilangin kung ilan na kasi lalo akong nagmumukhang tanga at gago. Hehe, pasensya ha sa lenggwahe, pero ganun pa rin kasi ang tingin ko sa sarili ko sa tuwing bumabalik ulit sa akin yung panahon na minsan, nagkaroon sana ako ng pagkakataon. Ayokong isipin na sumagi din sa isip mo na naging ganun nga ako nung mga panahong ‘yon. Pero totoo, naging tanga at gago nga ako. Masyadong mababaw sabihin na naging torpe lang ako. Di na rin bagay sa akin na ilarawan nang ganyan. Masyadong pang-high school.

Ilang taon na din pala ang dumaan. Di ko na rin napansin kasi marami-rami na rin namang nangyari sa buhay-buhay natin pareho. Ngayon ko lang muling naisip na matagal-tagal na rin pala mula nung huling umawit ang mga ibon para sa akin. Sa isip ko noon, hindi lang para sa akin ang himig na 'yon. Mukha nga siguro talaga akong may sayad ano? Bigla-biglang nagmamakata at napapaisip na umaawit ang mga ibon. Nagmo-move-on kahit wala namang nasimulan, malamang, wala ring dahilan. Pero tanong ko lang kung nakarinig ka na ng awit ng mga ibon? Minsan kasi di ko sigurado kung umaawit nga sila o parang nagkukwentuhan lang. 

Hindi ko rin alam kung bakit ilang taon na ang dinaan ng ganitong guni-guni ko. Natatawa na rin ako pag minsan. Pero minsan may laman pa rin ‘yung mga tawang ‘yun. Oo na. Tanga at gago nga ako, sinabi ko naman di ba? May laman ang mga tawang ‘yun kasi iba din kasi ang naging hagod ng mga tawang ‘yun sa akin. Iba ang dalang saya. Yun bang saya na may kakambal na pag-asa. Di ko talaga ma-ipaliwanag. Alam ko, kahit papano, naiintindihan mo yung tipo nang saya na ganun. Sana. 

Sinabi ko na dati na ayoko nang mag-isip o mag-tanong kagaya ng paano kaya kung naging iba ang takbo ng panahon. Mas maging masaya kaya ang mga araw? Naging mas malakas kaya ang pag-awit ng mga ibon? Maririnig kaya natin minu-minuto ang mga himig nila?

Kung naging gayon, sigurado ako na sa akin, oo. Gusto ko rin namang isipin na ganun din sa’yo. Siyempre, kahit sino naman siguro. Pero nag-iba nga ng landas ang mga huni at unti-unti na ngang pumalayo sa aking pandinig. Inisip ko na lang rin na patuloy pa rin sanang umaawit ang mga ibon para sa ‘yo.

Alam ko na maraming bagay na hindi naging ako, marami-raming bagay na hindi ako, at palagay ko maraming bagay pa na hindi magiging ako sa hinaharap. Hindi ko alam kung ang mga pagkukulang na ito ang magbibigay puwang sa ‘yo. Ayoko na ring isipin. Para sa akin, ang mas mahalaga ay ang maging masaya ka sa mga bagay na mas karapat-dapat sa ‘yo. Cliché, ika nga ng kagaguhan sabi pa ni Bob Ong. Pero, totoo, yun ang naging laman ng dasal ko. Peksman. Cross my heart.

Sa totoo lang, nagtataka ako kung bakit bumabalik ulit ang mga bagay na ito ngayon. Ilang beses na din naman tayong nag-usap na parang walang nangyari. Na parang walang nagdaan. Lilinawin ko lang, sarili ko lang ang tinutukoy ko dito, kasi yun lang ang malinaw sa akin.

Ewan, naging ok naman sana ang simula ng araw ko ngayon. Nagpapalipas lang naman sana ako ng oras. Sana di na lang ako nagbukas ng internet. Pero isa na kasi yun sa mga nakagawi-an ko tuwing nasa bahay lang pagkatapos mag-simba. Pati ilang beses ko na rin nakita sa news feed sa account ko ang iba’t-ibang lawaran mo. Kaya lang, parang iba kasi yung kanina, parang mas may ningning na biglang nagpakislot sa mga alaalang di ko inakalang nandun pa rin pala. Basta, ayoko nang dugtungan pa. Sana hinabaan ko na lang ang kwento sa mga bata sa bahay nung tumawag ako kanina. Ewan, hanggang ngayon kasi, parang wala pa rin akong ganang tumawag sa iba. Iba pa rin kasi yung dati. 

Iba pa rin kasi yung kahit madaling araw na natapos ang kwentuhan, maaga ka pa ring gigising para simulan ang bagong araw. Yung tipong matitigilan ka na lang bigla sa trabaho, kahit anong busy, mapapangiti ka kasi may naalala ka. Basta, alam mo na rin siguro ‘yun. Alam ko, parang pangteen-ager pa rin ang kilig ko. Nakakatawa na nakakahiya. 

Ulit, pasensya, di ko sinasadya. Hayaan mo na lang sanang mailabas kahit sa sulat lang, sa paraang kaya kung gawin, kung ano ang dumating sa isip ko ngayon. Wala naman akong balak mang-gago ng ibang tao. Wala rin akong planong manghimasok sa buhay na nasa ayos na.

Inaayos ko na rin naman ang sarili ko. Pinag-aaralan ko nang tanggapin ang mga bagay-bagay na siguro sadyang hindi ukol. Pero pinagsisikapan ko na rin na subukang ipaglaban ang mga bagay kung talagang dapat kong ipaglaban. Para sa susunod na umawit ulit ang mga ibon, kaya ko nang manindigan kahit puno pa rin ako ng pagkukulang. 

Pasensya na, alam ko lilipas din 'to. Dala lang siguro ng maling pitik ng utak ko. Siguro, dala lang ng mga banat ni Chris Martin na nagpapa-ingay sa tahimik na silid. Sa susunod, mas lalakasan ko na lang siguro ang pag-head bang para mas madaling mawaksi sa isip yung mga ganitong alaala. 

No comments:

Post a Comment